NAGING biktima sa pinakabagong robbery hold-up sa Surigao ang Assistant Operations Manager ng isang Mining Company at natangay ng mga salarin na umaabot sa P673,000.
Kinilala ang biktima na si Elisaldo Dupan Bido, 40-anyos, Assistant Operations Manager ng Global Sanli Mineral Trading na naka-base sa Tubajon, Dinagat Province.
Sa salaysay ni Bido sa Phil. National Police (PNP), alas 12:32 ng tanghali kahapon nag-withdraw siya ng naturang halaga sa Banco de Oro sa Magallanes St. sa lungsod, sumakay siya ng pampasaherong tricycle nang malapit na sa isang gasoline station sumakay ang isang
babae at ilang minuto pa diumano’y sinabi nito na may dalawang kasamahan pa na sasakay.
Nang mga oras na iyon tinukoy ng biktima, ang babae ay nakasakay sa may likod na bahagi ng tricycle samantalang ang isang lalaki ay nasa harapang bahagi ng upuan katabi ng Assistant Operations Manager, ang isa pang lalaki nasa likod naman.
Nang nasa may junction na sila ng Sarvida-Boulevard, namataan na lamang ng biktima na may patalim nang nakatutok sa kanyang bewang at sinabihan siya ng katabing suspek na sumama na lamang sa kanila.
Diumano’y noong oras na iyon, may nag-overtake sa sinasakyang tricycle at nasa unahan na nila ang isang Innova kulay gray agad umano siyang pinababa at puwersahang pinasakay sa naturang sasakyan at nang sa loob na kinuha ang kanyang bag na may lamang pera kasama na ang kanyang cellphone, wallet at iba pang personal na gamit.
Tinukoy pa nito na dinala siya sa loob ng sasakyan hanggang sa Brgy. Trinidad at doon na pinababa.
Matapos nito, mabilis na humarurot ang sasakyan palabas ng Surigao City.
Sa naturang pangyayari, bumalik siya sa lungsod mga alas 4:00 na ng hapon kahapon at nagsumbong sa mga otoridad.
Sa ngayon, patuloy pang ini-imbestigahan ng PNP ang naturang pangyayari. (rmn)
ليست هناك تعليقات:
إرسال تعليق